Showing posts with label PNP. Show all posts
Showing posts with label PNP. Show all posts

Wednesday, July 2, 2025

PNP-ACG at GCash, sanib pwersa sa pagpapatrolya kontra cybercriminals sa social media

 criminal-handcuffs

Isang mas pina-igting na operasyon ang isinagawa ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) katuwang ang GCash para bulabugin ang mga cybercriminal na patuloy ang panloloko online. Target ng tambalang ito ang mga sangkot sa child exploitation at ilegal na bentahan ng mga pre-registered SIM cards

Sa isang undercover operation, natimbog ng mga pulis ang isang indibidwal na umano’y sangkot sa child trafficking gamit ang isang kilalang online platform. Ayon sa imbestigasyon, itinakda pa raw ng suspek ang pagkikita ng biktima at ng “kliyente” sa isang hotel—lingid sa kaalaman ng suspek ay mga pulis na pala ang kanyang ka meet-up. Mabilis na nailigtas ang bata habang ang suspek ay agad inaresto ng Anti-TIP/OSAEC team ng PNP-ACG. Nahaharap siya ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 at RA 10364 na layong supilin ang human trafficking.

Samantala, tuloy rin ang pagkalampag sa mga nagbebenta ng pre-registered SIM cards—isang kalakaran na ginagamit ng mga scammer para makapandaya online. Na-monitor ng mga awtoridad ang mga transaksyon sa social media kung saan binebenta ang mga SIM na ito para takasan ang pagkakakilanlan. May mga inaresto sa bisa ng RA 11934 (SIM Registration Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act). May mga nahuling lumabag din sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), sa mga hiwalay na operasyon laban sa cyber fraud.

Patuloy ang paalala ng GCash: Huwag kailanman magbahagi ng MPIN o OTP! Huwag ring mag-click ng mga kahina-hinalang link! Hindi sila nagpapadala ng PM na humihingi ng personal info.

May kahina-hinalang transaksiyon? I-report agad sa PNP-ACG sa (02) 8414-1560 o 0998-598-8116 o sa email na acg@pnp.gov.ph. Sa GCash naman, i-message lang si Gigi sa website, i-type ang “I want to report a scam,” o tumawag sa 2882.